Salamin

Pasko ng pagkabuhay, tinatamad sana ako babangon dahil wala namang importanteng pupuntahan para makipaghabulan sa kamay ng orasan. Mag-aalas siyete na, tinignan ko ang maingay na tik-tak ng orasan na nakapatong sa ibabaw ng komputer teybol ko.

Naisip ko, isang linggo na rin pala ako nakalipat sa apartment na inuupahan ko ngayon. Mula sa preskong tanawin ng(presko daw hehehe, lakas lang kasi ng hangin at tanaw ang Laguna Bay)Taguig ay nag-alsa-balutan ako upang pagbigyan ang kahilingan ng isang kaibigan sa Valenzuela. Sabagay mas malapit na di hamak dahil ilang kanto lang ang pagitan sa pagawaan ng ilaw na pinapasukan ko bilang freelancer.

Bago pa man makaikot ang pinakamahabang kamay ng orasan linigpit ko na ang unan saka kumot at dumiretso sa kusina para magpainit ng tubig. Mas buhay kasi ang dugo ko pag nahaluan ng kape. Adik na adik sa kapeyn, kulang ang araw ko pag di ako nakatikim ng kape.

Sinabay ko na rin pinagpupulot ang mga damit na nakakalat sa tabi ng washing machine sa laundry area, syut lang kasi ako ng syut pag nagmamadali ako minsan, di ko nga alam kung pumapasok ba sa loob ng spinner o hindi, kaya ayun dun ko lang nakita na kumalat pala at mukhang pinamahayan na ng mga daga, buti di inihian ng alaga kong pusa.

Pumanaog ako para magsalok ng pangkulada ko sa mga damit. Habang pinupuno ko ang timba, lumapit sa akin ang isang unit owner, nag-umpisa ng magkwento sa'kin.

"Ano ba namang klase ng ama 'yang katabi natin iniwanan ang binyag ng anak!" Pinagmamasdan ko ang mukha niya habang nagsasalita.

"Bakit po? Anong nangyari?" kyuryos ako na nagtanong pero di ko pa rin maialis ang tingin ko sa mukha niya. Kalalaki kong tao nakikipagtsismisan.

"Nag-away silang mag-asawa dahil wala daw nairimedio ang lalaki na pera para sa binyag ngayon, ayun dis-oras ng gabi lumayas daw at dala-dala ang mga gamit niya. Walang pusong ama!" lumalabas na ang mga laway sa kanyang bungal.

"Ah ganun po ba. Problema na po nila yan. Hayaan niyo na po. Baka madamay pa kayo." Yun ang tangi kong nasabi sa kanya. Malapit na palang mapuno ang timba ko.

"Pero dapat di naman ganun. Pag-usapan dapat nila."

Gumalaw-galaw ang kanyang ilong. May naamoy din ako. Mukhang sunog na kanin.

"'Nay ang mukha niyo pala may itim na guhit," pahabol kong sabi sa kanya.

"Oo nga pala," pinahid niya ito sa laylayan ng kanyang daster. "...nagsasangag kasi ako, sa palayok siguro itong itim na'to."

Natawa na lang ako. "Si nanay talaga!" Iling na lang ako ng iling. Sabay tangal ko rin sa'king matigas na muta. Tumingin ako sa basag na salamin na nakasabit sa may dingding. Di pa pala ako nakapaghilamos. Mula sa itaas nag-iingay na rin ang takuri na sumasabay sa away ng kausap ko kaninang Ale. Galit na galit ang asawa niya! Bakit daw sinunog ang pang-agahan nila. Narinig ko ang sunod-sunod na kalabog. Bukas ibang kuwento na naman siguro.
Post a Comment

Popular Posts