Tullahan strikes again

Pagkatapos magbukas ang Tullahan Bridge noong Oktubre ng nakalipas na taon, eto at sumasakit na naman ang ulo ng mga motorista at komyuter dahil sa malalaking butas sa aspalto bago sumapit sa naturang tulay.

Lalo pang grumabe ito kahapon dahil sa baha na idinulot ng bagyong Karen, lumubog ang parte ng BBB hanggang baywang ng tao. Bumara kasi ang mga putik sa estero at kanal na inaanod ng umalpas na Tullahan River.

Noon pa bago sumapit ang panahon ng tag-ulan na kinukumpuni ang kalsada na inaspalto. Tinatapalan ang bawat butas ng aspalto rin. Tapal sila ng tapal.

At ngayon, eto tinanggal na nila ang aspalto dahil pabalik balik pa rin ang problema. Ang dating 3 lane naging 1 lane na lang. Parang embudo tuloy ito pagsapit sa dulo. Ang mga motorista naman nagsisiunahan, nagsisingitan at walang nagbibigayan.

Kung bakit kasi aspalto ang ginamit sa halip na semento sana. Alam naman nila na gagamitin ito ng pangmatagalan o kaya tinipid para mas malaki ang makubra ng mga taga DPWH na humahawak dati?

Napakamahal pa naman ang nasabing tulay na umabot ng PhP60,539,743.82. Ilang dipa lang kung tutuusin. Ang hindi matiyak ngayon baka pagsapit ng limang taon nito ay kusa na lang itong babagsak dahil substandard ang ginamit na materiales. Pagpapatunay na lang ang aspaltadong kalsada na gawa nila. Kawawa naman ang taga Valenzuela at Bulacan.

Matatandaan na ilang buwan din nagtiis ang mga tao bago magbukas ito. Palaging ipinagpapaliban at andaming rason ng kontraktor nito. Bumagsak pa nga ang kahoy na footbridge na ginawa nila. Buti at walang nasaktan. Pinalitan nila ito ng gawang bakal pero napakamahal naman ang presyo ng dalawang 40 meter na tulay na umabot pa ng PhP2,500,000.

Sana kasuhan, ikulong at tanggalan ng lisensya itong R.C. Ramos Construction na siyang gumawa ng nasabing tulay. Pahirap sa mga tao ang ganitong kontraktor na walang silbi. Kung inayos sana ang gawa hindi sana mararamdaman na naman ang hirap ng taong dumadaan dito.
Post a Comment

Popular Posts