NFA Employees Mass Lay-off


Hindi lang ang mga multinasyonal na kumpanya gaya ng Intel at Panasonic ang nagtatanggalan ng mga empleyado at nagsarado dahil wala nang order sa kanila, kundi pati ang isang ahensya ng gobyerno na namamahala sa pagkain ng bawat Filipino, ang National Food Authority (NFA).


Pagkatapos nakibahagi ang mga empleyadong ito para sa distribusyon ng mga bigas noong isang taon dahil sa kakulangan, eto at nangangamba ang mga 800 na empleyado ng naturang ahensya dahil sa Executive Order No. 366 o mas kilala sa Rationalization Plan, isang batas na pinirmahan ni Ginang Arroyo para tanggalin sila dahil sa pagkakaroon ng doble-dobleng posisyon, mga posisyong naabolis na, ang naturang batas ay naglalayong mapababa raw ang gastusin ng gobyerno.

Dati nang may balak talaga ang gobyernong ito para isara ang naturang ahensya. Nakailang protesta na ang mga ito sa harapan ng tanggapan nila, ilang plakard at istrimer ang ikinabit upang igiit ang kanilang pagtutul sa pagsasapribado ng ahensya.

At ngayon ko lang napag-isip-isip na tila pakulo lang ng gobyerno noong isang taon ang kakulangan ng bigas para giitin ang naturang ahensya, at palabasin sila na inutil para tuluyang maisakatuparan ang maitim na agenda. Isang pagpapatunay ang aking pagtatanong-tanong noon sa probinsya, at pinasubalian ng mga magsasaka na wala daw krisis noon sa bigas.

Sino ba ang makikinabang kung sakali? Hindi ba yaong mga rice trader. Yaong mga bumibili nang bigas na ang inisip lang ay pansariling kapakanan, ang kanilang kita. At kung sakali, pwede na nilang itago at kayang-kaya na nilang idikta kung magkano ang presyo ng bigas sa merkado at baka magaya rin ito sa presyo ng langis o dili kaya'y ang presyo rin ng LPG na kunwaring wala ng stock pero meron pa rin pala.

Kung ganito ang mangyari, paano na ang slogan ni Ginang Arroyo na "Pagkain sa Bawat Mesa" . Paano siya makakatiyak na may kasiguraduhan sa bigas kung di na niya ito makontrol dahil sinakop na ito ng pribadong sektor. At sino ang mga kawawa? Hindi ba ang mga magsasaka, sila ang mga biktima ng Fertilizer Scam , ang panggigipit din sa patubig dahil sa Rasyonalisayon din ng National Irrigation Administration na ngayon magiging pribado na rin sa pamamahala ng Irrigators Association (IA's)

Sa panahon ng krisis, dapat sana magtulong-tulong, gasino lang naman ang porsyento ng sahod ng mga empleyadong ito kung ikumpara sa mga pork barrel ng mga kongresista. Kung talagang nagtitipid ang gobyernong ito, dapat itong pork barrel ng mga mambabatas ang tapyasan, bawasan ang mga walang saysay na pagtuturismo ng pangulo sa ibang bansa.

Sa ganitong istilo, na inuunti-unti ang pagsasapribado ng lahat ng sangay ng gobyerno, hindi ba mas inutil ang planong ito? Paano ka mamumuno ng isang gobyerno na lahat ng sangay ay hindi mo na kontrolado?
Post a Comment

Popular Posts